
Cauayan City – Pinabulaanan ng Quirino Police Provincial Office (QPPO) sa pamumuno ni Police Colonel Paul Y. Gamido ang kumakalat na balita tungkol sa isang van na umano’y nangunguha ng mga bata sa lalawigan.
Ayon sa imbestigasyon at validation ng pulisya, walang katotohanan ang naturang impormasyon at wala ring natanggap na opisyal na ulat mula sa mga himpilan ng pulisya kaugnay nito.
Nanawagan ang QPPO sa publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita na maaaring magdulot ng takot at kalituhan.
Ayon sa RA 10951, Article 154, ang pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring makasama sa kaayusan ng publiko ay may kaakibat na parusa.
Hinimok din ng pulisya ang mamamayan na agad na iulat sa kanilang lokal na himpilan ang anumang lehitimong impormasyon tungkol sa krimen upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.