Isang hinihinalang drug dealer ang agad inaresto matapos bumangga ang minamanehong van na may kargang malaking halaga ng droga sa sasakyan ng pulis na nakaparada sa police station sa Sydney, Australia.
Sa bilis ng pagpapatakbo, nawasak ng van ang bonete ng police car bago tuluyang tumakas.
Nahuli naman ng pulisya ang 28-anyos na driver matapos ang isang oras.
Nadiskubre sa sasakyan ang 273kg ng methamphetamine na nagkakahalagang A$200m ($140m o P7 bilyon).
Wala namang nasaktan sa insidente ayon sa pulisya.
Nangunguna ang crystal meth o “ice” sa pinaka nakapipinsalang iligal na droga sa Australia–na pinakamataas din ang halaga sa buong mundo.
Sinampahan na ng kasong may kinalaman sa illegal drugs at negligent driving ang hindi na pinangalanang suspek.