VAPE BAN SA KABATAAN, ISINUSULONG SA REINA MERCEDES

Cauayan City – Mas pinaigting ng Lokal na Pamahalaan ng Reina Mercedes ang kampanya kontra bisyo matapos ipasa ng Sangguniang Bayan ang isang ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta at pagbibigay ng vape at sigarilyo sa mga kabataan.

Inaasahang tuluyan itong maisasabatas ngayong linggo matapos ang ikatlo at pinal na pagbasa.

Ayon kay SB Member Salvador B. Apostol III, Committee Chair ng Committee on Health, tumataas ang bilang ng mga menor de edad na nagkakaroon ng access sa mga produktong ito kaya’t minarapat ng LGU na kumilos upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan.

Layunin nito na matigil ang pagkalulong ng mga kabataan sa bisyong ito at maparusahan ang mga establisyementong lumalabag.

Sakop ng ordinansa ang mas mahigpit na regulasyon sa loob ng 100 metrong radius mula sa mga paaralan, bilang dagdag proteksyon laban sa impluwensya ng paninigarilyo at vaping sa mga mag-aaral.

Papatawan umano ng parusa ang mga establisyementong mahuhuling nagbebenta ng sigarilyo at vape sa mga menor de edad, habang ang mga kabataang lalabag ay isasailalim sa kaukulang disiplina.

Kasabay nito, nagpapatuloy din ang Rural Health Unit (RHU) ng bayan sa pagbababa ng mga programang pangkalusugan gaya ng PuroKalusugan upang mapalakas ang adbokasiya ng LGU para sa mas malusog na pamayanan.

Facebook Comments