Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee o Bicam ang panukalang batas na magtatakda ng regulasyon sa electronic cigarette o vaping products na tinatawag ding vape.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa Bicam ay pinagkasundo nila ang naging magkaibang probisyon ng Senate Bill No. 2239 at House Bill 9007 ukol sa importasyon, distribusyon, packaging, pagbebenta at paggamit ng vape products.
Inaatasan ng panukala ang Department of Trade and Industry o DTI na makipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) at maglatag ng regulasyon at technical standards ukol sa kaligtasan at kalidad ng vape products.
Sa ilalim ng Vape Bill ay pinagbubuo naman ang Department of Health ng guidelines o patakaran at awareness campaign ukol sa epekto ng vape sa kalusugan.
Inaasahang sa Lunes, Enero 24, mararatipikahan na ng Senado at Kamara ang Bicam report ukol Vape Bill upang agad maipadala sa Malakanyang para sa lagdaan ng pangulo at ganap ng maging batas.