Bukas, Disyembre 16 ay plano ng Senado na aprubahan sa 3rd and final reading ang a senate Bill 2239 o vape bill na kakapasa lang sa second reading nitong Lunes.
Gagawin ng Senado ang pagpasa sa panukala kahit iba’t ibang medical association at health groups ang bumabatikos at kumukwestyon dito.
Giit ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza hindi naman ito certified bilang urgent ng Malacañang kaya bakit kailangang madaliin.
Ang panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act ay pangunahing inakda nina Senate President Tito Sotto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Ralph Recto.
Pero tutol sa panukala ang Philippine Pediatric Society, Philippine College of Physicians at public interest law group na Imagine Law sa katwirang magdaragdag lamang umano ito sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa.
Ilang probisyon sa panukala ang tinututulan ng mga health advocates gaya ng edad ng mga maaaring bumili ng vape na ibinaba sa 18-anyos o Senior High School, sa halip na 21-taong gulang na syang nakapaloob sa Sin Tax Law o Republic Act 11467.
Hindi rin isinama sa panukala ang mas malawak na limitasyon sa mga papayagang flavor na isa sa mga ginagamit ng mga manufacturer upang mahikayat ang mga kabataan na gumamit ng vape.
Kinukuwestyon din ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ng kapangyarihan na iregulate ang mga vape product sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration (FDA).
Iginigiit ng mga health groups na ang FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayanan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang epekto nito sa kalusugan.
Isinusulong ni Senator Pia Cayetano na panatilihin ang 21-anyos na minimum access, panatilihin ang regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor subalit hindi ito tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador.