Nanawagan ang mga Child Right Advocate sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na kumilos laban sa nakababahalang vape epidemic sa kabataan.
Sa isang joint statement ng grupong Child Rights Network (CRN) at ang Parents Against Vape (PAV), ipinanawagan sa mga ahensyang nangangasiwa ng edukasyon na aktibong gampanan ang tungkulin sa pagpapatupad ng R.A. 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act at mag-isyu ng karagdagang guidelines bukod sa inilabas na administrative order ng Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng nasabing batas.
Naniniwala rin si CRN Convenor Romeo Dongeto na napakahalaga ng tungkulin ng mga ahensya ng edukasyon upang labanan ang laganap na paggamit ng vape ng mga kabataan.
Ayon sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, gumagamit ng electronic cigarettes ang 14.1% ng mga estudyante, 20.9% ng mga batang lalaki, at 7.5% ng mga batang babae na may edad na 13 hanggang 15 sa Pilipinas.
Nangangahulugan ito na isa (1) sa pitong (7) mag-aaral o isa (1) sa bawat limang (5) batang lalaki at halos isa (1) sa bawat 10 batang babae ay gumagamit ng electronic cigarettes.