Sa kabila ng patuloy na panawagan ng pamahalaan para sa mas mahigpit na regulasyon sa paggamit ng electronic cigarettes o vape, tiniyak ng isang vape shop sa lungsod ng Dagupan ang pagiging lehitimo ng kanilang operasyon at produkto.
Ayon kay Jhunmark Abando, staff ng naturang tindahan, pasado sa inspeksyon ng at pagsusuri ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kanilang mga vape products.
Mayroon aniyang certification at stamp na nagpapatunay na ligtas ito at sumusunod sa mga itinakdang pamantayan bago ito maibenta sa publiko.
Dagdag pa niya, mahigpit nilang ipinatupad ang age restriction, kung saan tanging mga 18 taong gulang pataas lamang ang maaaring bumili.
Bahagi ng kanilang patakaran ang pagpapakita ng valid ID bilang patunay ng edad ng mamimili.
Samantala, ilang mga residente ng Dagupan ang nagpahayag ng suporta sa panukalang paghihigpit ng gobyerno kaugnay ng paggamit at pagbebenta ng e-cigarettes. Para sa kanila, higit na mahalaga ang kalusugan, lalo na ng mga kabataan, kaysa sa pansamantalang aliw na dulot ng vape.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga health experts ang publiko ukol sa posibleng panganib ng paggamit ng vape, kabilang na ang epekto nito sa baga at kalusugan sa pangkalahatan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









