Umapela si Deputy Speaker Wes Gatchalian kay Pangulong Rodrigo Duterte na isabatas na ang Vaporized Nicotine Product Bill bago matapos ang termino nito.
Ang parehong sangay ng Kongreso ay inaprubahan at niratipikahan ang panukala na magre-regulate sa vape at iba pang non-combustible nicotine products.
Kapag naging batas ito, inaasahan na mahihikayat ang nasa 16 na milyong mga Filipino smoker na gumamit ng mas mabuting alternatibo kung hindi talaga maiwasan ang paninigarilyo.
Tinawag pa ng kongresista na “game changer” kapag nangyari ito dahil tinitiyak na ang mga vaporized nicotine product, heated tobacco products at mga bagong tobacco products ay makasusunod sa product standards upang maprotektahan ang publiko.
Mahihikayat din ang mga adult smokers na tuluyang tumigil na sa paninigarilyo o kaya’y ikonsidera na gumamit na lang ng less harmful smoke-free alternatives.
Mahigpit namang ipagbabawal ito sa mga kabataan at ipagbabawal ang pagbebenta ng VNP malapit sa mga paaralan, unibersidad, kolehiyo at iba pang lugar ng mga kabataan.