Variant specific vaccine, iminungkahi ng isang health expert na gamitin bilang booster dose; pagbibigay ng first booster dose, dapat tutukan pa ng pamahalaan!

Iminungkahi ng isang health expert sa pamahalaan ang paggamit ng variant-specific vaccines bilang booster dose.

Paliwanag ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante na miyembro ng Vaccine Expert Panel (VEP), mataas kasi ang posibilidad na mas mabisa itong panlaban sa mabilis na makahawa na Omicron subvariant.

Masosolusyunan pa aniya nito ang humihinang bisa ng primary vaccine pagkalipas ng ilang buwan.


Dagdag pa ni Solante, ang variant-specific vaccines ay may mataas na proteksyon kontra sa mga variant kaysa sa ibang mga bakuna.

Samantala, sa Laging Handa public press briefing, sinabi rin ng isang health expert na si Dr. Edsel Salvaña, na mahalaga talagang matutukan at palakasin ang pagbibigay ng first booster shot kontra COVID-19 sa mga mamamayan.

Batay sa talaan ng National Vaccination Operations Center o NVOC, nasa 14,704,514 indibidwal na ang tumanggap ng unang booster shots habang aabot naman sa 648,555 ang nabigyan na ng second booster dose ng pamahalaan.

Facebook Comments