VAT refund sa mga dayuhang turista, dapat munang pag-aralan ayon sa mga senador

Iginiit ng ilang mga senador na pag-aralan munang mabuti ang VAT refund program para sa mga dayuhang turista sa bansa.

Ayon kay Committee on Public Services Committee Chairman Senator Grace Poe, kailangan munang konsultahin ang mga eksperto patungkol dito.

Mahalaga aniyang malaman kung papaano epektibong maro-roll out ang nasabing programa at kung ano ang “pros at cons” nito para sa bansa.


Isa pa sa nais ding malaman ni Poe ay kung makahihikayat ba ito ng maraming turista para bumisita at gumastos ng malaki sa bansa at kung mababawi ba ang posibleng mawawalang kita.

Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na kailangang timbangin ang magiging benepisyo rito ng bansa at konsultahin ang mga financial expert sa posibleng epekto nito.

Ipinunto pa ni Ejercito na hindi naman kilalang shopping destination ang Pilipinas kundi mas kilala tayo sa tourism at recreation.

Sa ilalim ng VAT refund para sa mga foreign traveler, ire-refund sa mga ito ang 12% VAT na ipinapataw sa mga produkto at serbisyo na bibilhin ng mga dayuhang turista.

Facebook Comments