Vaxcert.PH, iro-roll out na sa Oktubre

Tatangkain na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mai-rollout sa Oktubre ang vaccine certificate portal o ang Vaxcert.PH.

Sa joint congressional briefing ng House Committees on Information and Communications Technology, Health at Economic Affairs, sinabi ni DICT Undersecretary Emmanuel Caintic na sa Setyembre ang dry-run habang sa buwan ng Oktubre naman nila target i-roll out ang Vaxcert.PH kung saan uunahin muna dito ang mga fully-vaccinated sa NCR at mga OFWs.

Salig ang pagbuo ng vaccination certificate sa IATF resolution 134 na layong magkaroon ng iisa at internationally recognized certification bilang patunay na bakunado na ang isang indibidwal.


Aniya, sa kasalukuyan nasa beta testing ang software application para sa Vaxcert.PH.

Tiniyak naman ni Caintic na walang dapat ikabahala ang publiko dahil ang mga personal data at information ng isang fully-vaccinated ay protektado naman ng kanilang system.

Mayroong nakapaloob sa vaccination certificate na verification feature na QR code na magiging batayan ng mga border authorities na ma-verify ang authenticity nito.

Pinapagamit naman na ng ahensya sa mga LGUs ang DICT Vaccine Administration System dahil dito magmumula ang impormasyon na gagamitin sa Vaxcert.PH.

Facebook Comments