Vegetation o Pagtatanim ng Halaman, Parte ng Rehabilitasyon ng Cagayan River

Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) region 2 ang pagsisimula ng gagawing rehabilitasyon ng Cagayan river matapos ang ginawang pagpupulong ng mga kasapi ng ahensya.

Pinangunahan nina Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR, Atty. Kevin Heirridge de Leon ng DPWH at Mayor Florence Oliver Pascual ng bayan ng Lal-lo kasama ang mga opisyal ng barangay para ilatag ang aktibidad sa pagsasaayos ng naturang ilog.

Ayon kay Bambalan, vegetation o ang pagtatanim ng mga halaman gaya ng kawayan at pagsasagawa ng flood controls sa paligid ng ilog Cagayan ang unang hakbang na kanilang isasagawa para sa rehabilitasyon nito.


Giit ng opisyal, importante pa rin ang geohazard maps sa bawat barangay upang maging handa at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa panahon ng sakuna.

Sisimulan ang paghuhukay sa bahagi ng Barangay Bangag sa bayan ng Lal-lo na isang pagtutunan ng DPWH sa ilalim ng Build Better Task Force.

Kabilang rin ang mga barangay ng Casilcallan Norte, L. Adviento, Callao Sur, Dummun, Lapogan at San Vicente sa bayan ng Gattaran; barangay Matalao sa bayan ng Sto. Niño; barangay Centro sur, Tamban, Malalatan at Gabut naman sa Alcala; Barangay Logung – Palace – Abolo at Concepcion ng Amulung; barangay San Isidro sa Iguig at Linao East naman sa Lungsod ng Tuguegarao.

Tinatayang nasa higit 15,497,010.36 squaremeters ang lawak ng sandbars na huhukayin at may taas na tatlong metro at higit 46,491,031.08 metro kubiko.

Matatandaang labis na nasalanta ng malawakang pagbaha ang lalawigan ng Cagayan bunsod ng halos magkakasunod na kalamidad na tumama sa lambak ng Cagayan.

Facebook Comments