
Makalipas ang mahigit tatlong dekadang paghihintay, tuluyan nang naipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga lupang sakahan na bahagi ng Veloso sa Misamis Occidental sa agrarian reform beneficiaries.
Naipagkaloob na ng DA ang 22 certificates of land ownership Award (CLOAs) sa siyam na agrarian reform beneficiaries (ARBs) para sa halos 10 ektarya ng lupang sakahan sa Barangay Mitacas, Baliangao, Misamis Occidental.
Namahagi rin ang DAR ng 38 electronic titles (e-Titles) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Saklaw nito ang kabuuang 32.4887 ektarya ng lupa na ipinamahagi sa 31 ARBs mula sa bayan ng Calamba, Sapang Dalaga at Baliangao.
Nagsimula ang validation at pagproseso ng mga CLOA mula sa Veloso Estate noong 1991, ngunit ngayong taon lamang tuluyang nakamit ng mga ARB ang ganap na control at pagmamay-ari sa lupa.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer II Mohammad Abdul Jabbar Pandapatan, isa sa mga dahilan ng pagkaantala ng pamamahagi ng lupang sakahan ay ang hindi pagkakatugma ng sukat ng lupa sa mga titulo at iba pang teknikal na usapin na kinakailangan pang siyasatin at kumpirmahin nang paulit-ulit.









