Vendor, Patay nang Salpukin ng Pick-up!

244

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang vendor matapos salpukin ng sasakyan ang minamaneho nitong tricycle sa kahabaan ng pambangsang lansangan sa Brgy. District 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima at drayber ng tricycle na si Jeffrey Lappay, 39 anyos, may asawa, residente ng Villegas Village, Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela habang ang suspek ay si John Jericko Isidro, 27 anyos, walang asawa at residente ng Sampaloc, Manila.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, magkasalungat na binabaybay ng biktima at suspek ang lansangan at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay lumiko sa kaliwang bahagi ng daan ang biktima.

Habang paliko ang biktima ay nasalpok ito ng paparating na pick up na minamaneho ng suspek.

Tumilapon ang biktima mula sa kanyang tricycle na agad namang dinala sa pagamutan subalit idineklarang Dead on Arrival (DOA) ng kanyang attending physician.

Dinala rin sa pagamutan ang drayber ng pick-up matapos na magtamo ng sugat sa katawan.

Inihahanda ng pulisya ang kasong isasampa laban sa suspek at siya’y nakatakdang isailalim sa inquest proceeding.




 

Facebook Comments