Patuloy ang ginawagang paghahanda ng Philippine National Police (PNP) para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Kaugnay nito, naglabas ng kautusan ang PNP-Civil Security Group hinggil sa pagsasagawa ng verification at physical accounting ng mga baril sa buong bansa.
Ayon kay PNP-CSG Director PMGen. Leo Francisco, inaabisuhan nila ang mga licensed gun holder at firearms owner hinggil sa gagawing hakbang kung saan pupuntahan sa kanilang mga tahanan ang mga gun owner at license holder na nakalagay sa kanilang registration para sa physical inspection.
Dahil nationwide ang accounting, may mga nakatalagang Regional Civil Security Unit na nakatoka para sa inspeksyon.
Kapag ayaw naman magpa-inspeksyon ay pupwedeng mag-report na lang sa CSG ang may-ari ng baril.
Maliban sa paghahanda sa 2025 national at local elections at BARMM parliamentary elections, sinabi ng PNP na layon din ng hakbang ang pagtitiyak ng kaligtasan ng publiko.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.