Howie Severino, hinuli matapos ibaba ang face mask para uminom ng tubig

PHOTO COURTESY OF LUIS LIWANAG

Hinuli ng mga awtoridad ang batikang mamamahayag na si Howie Severino matapos sandaling ibaba ang suot na face mask para uminom ng tubig.

Sa Facebook, idinetalye ng GMA-7 veteran documentarist ang insidenteng naganap nitong Miyerkoles ng umaga.

Aniya, nagbibiskleta sila ng mga kaibigang sina Jilson Tiu at Chris Linag nang magdesisyong huminto sa isang bike shop sa Mother Ignacia Avenue sa Quezon City, kung saan nila tinagpo ang photojournalist at kapwa-siklistang si Luis Liwanag.


“We were all wearing masks. We bought drinks at the store next door, and drank them after pulling down our masks below the mouth (because we have not learned to drink yet with masks on),” pagpapatuloy ng I-Witness host.

Katatapos lang ni Severino na uminom at ibalik ang bote sa tindahan nang bigla siyang sitahin ng mga barangay official at pulisya dahil walang cover ang kaniyang bibig habang nakikipag-usap.

Sa mga kuhang retrato ni Liwanag, makikitang isinakay ng mga awtoridad si Severino at pagmamay-aring biskleta sa isang e-trike.

Dinala siya sa Amoranto Stadium upang sumailalim sa seminar kaugnay ng tamang pagsuot ng face mask sa pampublikong lugar.

Lingid sa kaalaman ng publiko, kabilang si Severino sa libu-libong pasyente na naka-recover sa sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“I explained to a group of QC employees there that as a recovered patient who had already tested negative three times for the coronavirus and positive for antibodies since my discharge from the hospital, the risk of me infecting anyone is near zero,” dagdag niya.

Pero sa kabila ng sinapit, bahagyang natuwa si Severino dahil sa ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Quezon City para hindi lumaganap ang virus, “even if it’s a bit draconian.” 

“I even offered to give a talk at the seminar. Instead they returned my bike and told me I could go home,” saad pa ng premyadong mamamahayag.

Facebook Comments