Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “Back on track” na ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa isinagawang joint press conference sa Camp Aguinaldo kasama ang bumibisitang US Secretary of Defense Lloyd Austin.
Sinabi ni Lorenzana na ang desisyon na ituloy ang VFA ay ginawa ng pangulo kagabi matapos ang kanilang pag-uusap ni Sec. Austin.
Pero hindi nya raw alam kung ano ang mga partikular na rason nang pangulo sa desisyong ito.
Samantala si Defense Secretary Austin ay nandito sa bansa para sa 2 araw na pagbisita.
Aniya pinakamatanda na kaibigan ng US sa Asya ang Pilipinas.
Nagpapasalamat naman siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapatuloy ng VFA.
Ang VFA ang ilan sa dahilan kaya taun-taon ay mayroong war games sa pagitan ng mga sundalong Amerikano at Pinoy.
Matatandaang nitong February 2020, pormal na inihayag ng pangulo na tatapusin na ang VFA at magiging epektibo ito anim na buwan mula noong February 2020.
Pero nitong June 2020, pinalawig ng pamahalaan ng anim na buwan sa pagpapatupad nito, at muling pinalawig ng karagdagang anim na buwan noong November 2020.