Vic sa Lacson-Sotto tandem: Sila ang aayos ng ating buhay

Tunay na mapagkakatiwalaan, hindi sinungaling, kayang-kayang sugpuin ang katiwalian at mga magnanakaw sa lipunan.

‘Yan ang mga katangiang taglay nina Partido Reporma presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na sinisiguro ni Vic ‘Bossing’ Sotto.

“Sila ang tunay nating mapagkakatiwalaan ng ating kinabukasan, sila ang aayos ng ating gobyerno, sila rin ang aayos ng ating buhay,” aniya.


Sa ikalawang araw ng opisyal na kampanya para sa Halalan 2022 ay humarap ang tambalan ng dalawang batikang public servants sa mga taga-Quezon City, kung saan nagsilbi si Sotto bilang bise alkalde simula 1988 hanggang 1992.

Ginanap ang kanilang campaign rally sa Quezon City Circle Covered Court kasama ng mga tapat na senatorial candidate ng Partido Reporma na sina retired General Guillermo Eleazar, health advocate Dra. Minguita Padilla, at dating Makati Congressman Monsour del Rosario.

Kasama rin sa pagtitipon si dating Agriculture Secretary at senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol. Tulad nina Lacson at Sotto, isinusulong niya rin ang programang magpapaunlad sa mga magsasaka at magbibigay ng seguridad sa pagkain ng bawat Pilipino.

Iminungkahi niya ang pagtatatag ng model food outlet sa Quezon City. “Sa pamamagitan po niyan makakabili kayo ng sariwang gulay [at] sariwang karne galing mismo sa mga bukirin ng ating mga magsasaka at sa karagatan ng ating mangingisda,” ayon kay Piñol.

Layunin nina Lacson at Sotto na maiangat at mapangalagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Matatandaan na sila ang nanguna sa pag-iimbestiga sa agricultural smuggling na pumipilay sa lokal na industriya.

Nagpahayag din ng pagsang-ayon sa mga plataporma ng Lacson-Sotto tandem ang radio host at senatorial candidate na si Raffy Tulfo. Sa pamamagitan ng kanyang anak na si Ralph, inilahad niyang isusulong niya ang BRAVE program na adbokasiya ng tambalan ng dalawang batikang mga lingkod-bayan.

Ang BRAVE o Budget Reform Advocacy for Village Empowerment ang nakikitang solusyon nina Lacson at Sotto sa talamak na korapsyon sa pamahalaan. Sa ilalim nito, maibababa ang pondo mula sa national patungo sa local government kaya magkakaroon ng ambag ang mga komunidad sa sarili nilang pag-unlad.

Naniniwala si Lacson na ang programang ito ay pinakamabisang armas upang maiangat sa kahirapan ang ating mga kababayan. Nailatag na rin nila ang BRAVE sa kanilang konsultasyon sa mga local official at iba’t ibang sektor umpisa pa lang ng kanilang pag-anunsyo ng kandidatura.

Ibinahagi naman ng guest candidate na si JV Ejercito na tumatakbo rin bilang senador, ang kanyang pagtitiwala sa Lacson-Sotto na isinusulong rin ang pagpapalakas sa sektor ng kalusugan, alinsunod sa inakda niyang batas na Universal Health Care Act.

Umaasa siyang sa ilalim ng pamumuno ni Lacson ay mapapaganda ang serbisyong medikal para sa lahat ng mga Pilipino saang panig man ng bansa.

Facebook Comments