Vice Ganda, umalma sa pahayag ni Sotto hinggil sa SOGIE bill: ‘Minaliit ang transgender, tinapakan ang babae’

Vice Ganda/Instagram/File photo

Kinuwestiyon ni Vice Ganda ang naging pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa pagiging “babae”, kaugnay ng pagkontra sa pagsasabatas ng SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity or Expression) Bill.

“Women cannot be compared to a group like that because—I hate to say this but I have to—If you are a man, you will never be a woman, no matter what you do, because you cannot reproduce.

“You cannot give birth, you do not have ovaries. You will never be a woman. So this, to me, the SOGIE bill is a bill against women’s rights,” ani Sotto sa pagdinig sa Senado, Setyembre 4.


Agad namang umalma ang comedian superstar at naglabas ng saloobin sa Instagram, Setyembre 5.

“Joke po ba ito Hon. Senate President Tito Sotto?” pambungad niya.

“Sinasabi nyo po ba na naniniwala kayo na ang pagiging BABAE ay nasusukat lamang sa pagkakaroon ng obaryo o matris at sa kakayahan lang na mabuntis o magka-anak?”

“E paano po yung mga nagkaroon ng matinding karamdaman at tinanggalan ng obaryo? Di na po ba sila BABAE? Wala na ba silang karapatang tawaging BABAE? O bumaba na ba ang uri ng kanilang PAGKAKABABAE?

“Paano din po yung mga baog at walang kakayahang magka-anak? Ano po sila? Di na din sila BABAE? Mga wala na ba silang kwentang mga BABAE?

“At paano naman po yung mga BABAENG choice nila na wag mag-anak dahil ayaw nila dahil sa kanilang mga personal na rason? Di na din ba sila matatawag na BABAE?

“Paano din po yung mga BABAE na may obaryo pero pinayuhang wag magbuntis dahil sa medikal na kondisyon at maaring mameligro ang kanilang buhay? Di na din sila BABAE? Ano na po sila?

“Paano din po yung mga BABAENG may obaryo pero wala pang anak dahil ayaw naman nilang magpatira kung kani kanino? Ano na sila?” ani Vice.

Pinuna ng “It’s Showtime” ang aniya’y tila mababang pagtingin ni Sotto sa kababaihan.

Naniniwala si Vice na ang tunay na sukatan ng pagkababae ay, “‘di dahil sa obaryo at sa kakayahang bumukaka at umire. Sila ay BABAE dahil sila ay BABAE.”

“Sinubukan ninyong maliitin ang konsepto ng pagiging TRANSGENDER sa paraang tinapakan nyo rin ang dignidad ng mga tinatawag nyong TOTOONG BABAE,” aniya.

Sa huli’y nanindigan ang host na hindi patas ang pahayag ng senador at nagpasaring na, “There are people who pretend to be FEMINISTS to hide their being MISOGYNISTS.”

Muling nabuhay ang usapin ng pagsasabatas ng SOGIE kasunod ng insidente ng pagbabawal ng isang janitress sa transgender na si Gretchen Diez na gumamit ng pambabaeng banyo sa isang mall sa Quezon City.

Facebook Comments