Binawian ng buhay ang bise-alkalde ng Jalajala, Rizal na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Martes.
Sa isang Facebook post, kinumpirma ng anak ni Vice Mayor Jolet Delos Santos ang pagkamatay ng opisyal.
“Napakasakit po sa aming buong pamilya ang biglaang pagkawala ng Ama ng ating bayan,” pahayag ni Jomark Delos Santos.
Aniya, nalaman ng kaniyang tatay ang resulta nito ng COVID-19 test noong Marso 25 at agad sumailalim sa self-isolation.
Unang nabatid ni Joms na bumubuti ang kalagayan ng bise-alkalde.
“Wala pong salita ang katumbas kung gaano kasakit at kahirap na hindi siya makita hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay. Ito po ay sa kadahilanang personal niyang hiling na ayaw niyang malagay ang kanyang pamilya sa panganib,” dagdag ng supling.
Sa kabila ng pagpanaw, ayaw muna ng naulilang pamilya na magtipon-tipon ang mga kababayan dahil sa kinakaharap na krisis ng bansa.
“Kapag humupa na ang bagyo, tayo ay mag tipon tipon muli at gunitain ang buhay ni Jose “Jolet” Delos Santos. I-kwento natin ang mga masasaya at magagandang alaala na kasama si JOLET DELOS SANTOS,” saad ni Jomark.
Labis naman ang pasasalamat niya sa mga nakiramay at kumilala sa nagawa ng yumaong ama para sa kanilang bayan.
Magugunitang sinabi nina Rizal Governor Nini Ynares at Taytay, Rizal Mayor Joric Gacula na dinapuan din sila ng virus.
Iniulat ng Provincial Health Office nitong Miyerkoles, Abril 1, na umakyat na sa 77 ang bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa buong lalawigan, habang 13 ang namatay sa sakit.
Nasa 381 naman ang persons under investigation (PUI) habang 8,284 ang persons under monitoring (PUM).