Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manse Carpio, inabswelto ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anumalya sa BOC; Pulong at Carpio, isasailalim sa lifestyle check

Manila, Philippines – Inabswelto ng Senate Blue Ribbon Committee ang anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at manugang na si Atty. Manse Carpio sa mga anomalya sa Bureau of Customs o BOC.

Kabilang dito ang paglusot ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China at tara system.

Nakasaad sa mahigit 70 pahinang draft report ng blue ribbon committee na walang ebidensyang magpapatunay na may kinalaman ang dalawa sa drug smuggling dahil hearsay lang ang alegasyon na sangkot sila sa Davao group na umano’y may kinalaman sa anumalya.


Sina Vice Mayor Pulong at Atty. Carpio ay humarap sa pagdinig ng komite noong September 7 kung saan ibinunyag ni Senator Antonio Trillanes IV na may tattoo ng dragon sa likod si Pulong na patunay ng pagiging miyembro nito ng triad.

Inamin ni Vice Mayor ang tattoo pero tumanggi na ito ay ipakita sa publiko sa pamamagitan ng pag-invoke ng right to privacy.

Ipinunto sa draft committee report na ang expose ni Trillanes na tattoo ni Pulong at bank records nila ni Atty. Manse ay parehong walang kinalaman sa iniimbestigahan ng Senado na drug smuggling at tara system.

Inirekumenda naman ng Blue Ribbon na isailalim sa lifestyle check sina Vice Mayor Pulong at Atty. Manse dahil kunektado daw sila sa matataas na opisyal ng gobyerno at may ilang umaabuso kayat mayroon sa kanilang mataas na pamantayan ng accountability.

Pinapasailalim din sa lifestyle check ang customs broker na si Mark Taguba, Davao City Councilor Nilo Small Abellera at ang 12 pang indibidwal na nasasangkot sa pagpuslit ng droga sa BOC.

Iginiit din ng committee report sa law enforcement agencies at Bureau of Internal Revenue, na isailalim sa malalimang imbestigasyon at sampahan ng kaukulang kaso ang nabanggit na 12 indibidwal.

Ang draft report na ginawa ni Committee Chairman Senator Richard Gordon ay kailangang papirmahan pa sa mga miyembro ng komite at iprisinta sa plenaryo ng Senado para pagtibayin o kaya ay ibasura.

Inirekomenda din ng Blue Ribbon Committee ang pagpa-file ng kasong paglabag sa customs modernization and tariff act at anti-graft and corrupt practices act si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at limang ibang mga customs officials.

Kabilang dito sina dating Deputy Commissioner Gerardo Gambala, dating Intelligence Service Chief Neil Estrella, Intelligence Officer Joel Pinawin, at dating Import Assessment Services Director Milo Maestrecampo.

Nakasaad sa draft committee report na nagkaroon ng gross negligence sina Faeldon makaraang bigong mapigilan ang pagpasok sa bansa ng 6.4 billion shabu shipment mula sa China.

Samantala ang Taiwanese businessman at may-ari ng ni-raid na warehouse sa Valenzuela na si Richard Tan ang nakita ng blue ribbon committee na pangunahing responsable sa nabanggit na drug smuggling.

Bunsod nito ay inirekomenda ng komite ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban kay Tan at dalawa pang Chinese businessmen na sina Manny Li at Kenneth Dong.

Facebook Comments