Tiwala si Vice President Sara Duterte na matutupad ang kanyang pangarap na mapalawak ang innovation sa sektor ng edukasyon sa buong bansa.
Sa kanyang mensahe sa ceremonial turn-over ng school uniforms sa San Juan City kahapon, hinimok ng bise president ang local government units (LGU) na simulan na ang initiatives sa pagpapabuti ng edukasyon sa tulong ng digitalization.
Pinuri nito ang lungsod ng San Juan dahil sa pagsasakatuparan ng programa na magbibigay ng tig-iisang gadget sa bawat mag-aaral pati na ang pagkakabit ng fiber optic internet connection sa 13 pampublikong paaralan.
Bilang dating alkalde ng Davao ay nakakaramdam aniya siya ng inggit na kahit maliit na LGU ang San Juan ay nagawa nito ang proyekto sa internet connectivity at pagpapalakas ng edukasyon.
Binigyang-diin ng pangalawang pangulo na dapat ay gayahin ang pagsusumikap ng naturang lungsod para itaas ang kalidad ng edukasyon.
Isa ang San Juan sa mga pinarangalan sa “Galing Pook” Awards para sa Best Pandemic Response noong nakaraang taon at kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa Best Education sa kasagsagan ng pandemya.