Kinumpirma ngayon ni vice presidential candidate at Senate President Vicente “Tito” Sotto III na magandang balita sa mga kamag-anak ng nawawalang sabungero dahil sa sinabihan umano kagabi ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na payag na ang pangulo na suspindehin ang lisensya ng e-sabong.
Nauna nang hiniling ng Senado sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspindehin ang operasyon ng e-sabong hangga’t hindi nareresolba ang pagkawala ng mga sabungero.
Kasama sa suspensyon ang pitong sabong operators na pinayagang mag-operate ng PAGCOR.
Kabilang dito ang Belvedere Vista Corporation, Lucky 8 Star Quest Inc., Visayas Cockers Club, Inc., Jade Entertainment and Gaming Technologies, Inc., Newin Cockers Alliance Gaming Corporation, Philippine Cockfighting International Inc. at Golden Buzzer, Inc.
Sa Biyernes, Marso 4 ang susunod na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drug na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagkawala ng 31 sabungero.