Ipadadala ni Vice President Leni Robredo sa Department of Education (DepEd) ang mga concern ng ilang guro sa blended learning sa harap ng nalalapit na pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakausap niya ang ilang grupo ng mga guro sa iba’t ibang panig ng bansa at sinasabing hindi pa sila handa para sa bagong school year.
Ipaaabot ni Robredo ang mga napag-usapan nila ng mga grupo sa DepEd ngayong araw o bukas.
Susubukan din ni Robredo na may makausap na opisyal ng kagawaran para dito.
May ilan aniyang guro ang hindi pa alam kung paano nakukuha ang learning modules at kung sino ang sasagot sa gastos sa pag-iimprenta nito.
Dagdag pa ni Robredo, mayroong pagkukulang sa komunikasyon sa pagitan ng mga opisyal ng DepEd at sa mga guro.
Nanawagan din ang mga guro ng COVID-19 testing at regular medical check-ups para maprotektahan sila sa pandemya.
Sa huling datos ng DepEd, aabot na sa 22.6 milyon na estudyante ang nakapag-enroll para sa School Year (SY) 2020-2021.