Vice President Leni Robredo, ipapaubaya na sa NBI ang pag-aresto sa mga nagbabanta sa kanya

Hindi pa rin nahihinto ang mga pag-atake at pagbabanta online laban kay Vice President Leni Robredo sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Barry Gutierrez, ang tagapagsalita ng Bise Presidente, nasa kamay na ng National Bureau of Investigation (NBI) na habulin ang mga social media user na nagbabanta kay Robredo.

Sinabi ni Gutierrez na hindi aaksayahin ni Robredo ang kanyang mga panahon laban sa mga detractors at bashers sa social media.


Nakatuon ang Bise Presidente sa relief efforts para tulungan ang mga apektado ng pandemya.

Matatandaang sinabi ng NBI na kumikilos na rin ang kanilang mga agent para tugisin at kasuhan ang mga nasa likod ng mga pagbabanta laban kay Robredo at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong May 11, inaresto ng NBI ang isang public school teacher na si Ronnel Mas sa Zambales matapos mag-post sa kanyang Twitter Account na mag-a-alok ng 50 milyong pisong pabuya sa sinumang makakapatay kay Pangulong Duterte.

Sa Aklan naman, isang construction worker ang inaresto ng pulisya dahil sa pag-aalok naman ng 100 milyong piso pabuya sa mga kayang patumbahin ang Pangulo.

Facebook Comments