“Di kayang sukatin ng numero ang suporta niyo, maraming salamat”
Ito ang bahagi ng mensahe ni presidential candidate Vice President Leni Robredo kanina sa gitna ng nagpapatuloy na bilangan ng mga boto sa 2022 elections.
Kasalukuyang pumapangalawa si Robredo sa presidential race kung saan mahigit kalahati ang lamang ng nangunguna sa ngayon na si dating senador Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Robredo, bagama’t nanghihinayang siya at nadidismaya ay hindi dapat ito maging ugat ng pakakawatak watak at kinakailangang pakinggan ang tinig ng taumbayan na ‘palinaw na nang palinaw’.
Kasunod nito, kinilala ni Robredo ang mga ginawang sakripisyo ng mga volunteer mula sa panahon ng kampanya hanggang sa pagboto.
Sa huli, sinabi ni Robredo na patuloy pa rin siyang magtatrabaho para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan at muli niyang hinimok ang lahat na makilahok hindi lamang sa halalan kundi sa pagsulong ng mga karapatan at dignidad ng mga Pilipino sa hinaharap.