Iginiit ni Vice President Leni Robredo na ang mga umiiral na batas ay dapat ginagamit para sa kapakinabangan ng lahat.
Ito ang pahayag ng Bise Presidente matapos ang mga ulat na may ilang indibidwal ang inaresto dahil sa pagbabanta at pagbatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na dapat lamang maimbestigahan ang anumang death threat o pagbabantang natatanggap hindi lang ng mga nasa mataas na posisyon, kundi maging sa ordinaryong tao.
Hinimok ni Robredo ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ng batas ng patas sa lahat.
Dagdag pa niya, dapat ding habulin ang mga nagpapakalat ng fake news na nagtatrabaho sa gobyerno.
Aminado ang Bise Presidente na nasa loob ng kanyang termino ay nakakatanggap din siya ng mga pagbabanta sa social media tulad ng rape lalo na sa kanyang mga anak.
Sa ngayon, sinabi ni Robredo na mas nakatuon siya sa kanyang trabaho kaysa sa bigyang atensyon ang mga ganitong banta.
Matatandaang isang guro sa Zambales at isang construction workers sa Aklan ang magkahiwalay na naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pag-aalok ng pabuya sa social media sa sinumang makakapatay sa Pangulo.
Bukod dito, isang negosyante sa Agusan del Norte ang inaresto ng pulisya dahil sa kanyang post sa social media na nagsasabing “baliw” ang Pangulo.