Buo ang tiwala ni Vice President Leni Robredo na kayang-kaya niyang ipanalo ang pagka-Presidente sa darating na halalan basta’t maipagpatuloy at mapalakas pa ang di matatawarang pagsusumikap ng mga taga-suportang nakasalamuha niya sa kaniyang pag-iikot sa ilang bahagi ng Northern Mindanao at Cebu ngayong linggo.
Volunteer-driven ang mga People’s Rally na kaniyang pinuntahan sa Iligan City, Cagayan De Oro City nitong Martes, Pebrero 22; sa Bukidnon nitong Miyerkules, Pebrero 23; at sa Talisay City, munisipyo ng Argao, Toledo City at Cebu City sa probinsya ng Cebu nitong Huwebes, Pebrero 24.
Batid ni Robredo na malayo pa ang mga numerong kailangang abutin base sa mga survey, pero tiwala siya sa klase ng suportang kaniyang natatanggap o ‘yung kusang-loob na pagtulong ng mga ordinaryong mamamayan sa kampanya na hindi hakot at hindi rin binabayaran.
“Pero ito sa amin ngayon, wala. Walang ganoon. Merong mga volunteers na nagpapahiram ng van, nagpapahiram ng truck. Pero ano talaga ito, hindi siya systematic na kailangan mong hakutin ‘yung tao para pumunta. Ito organic, kaniya-kaniya silang punta,” saad ni Robredo sa isang panayam sa radyo sa Cebu. “Hindi puwede kasing kinokontra natin ‘yung politika ng pera tapos gagamitin din natin. Hindi puwede ‘yun.”
Sunud-sunod din ang endorsements para sa pagka-Presidente ni Robredo mula sa iba’t-ibang sektor nitong linggo, kabilang ang 47 na mga dating opisyal ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo; Couples for Christ (CFC) international council; Sumilao farmers sa Bukidnon; 17 na mga dating presidente ng Philipine Bar Association presidents; mga lay at religious representatives ng Vincentian Family in the Philippines; at Catholic youth group na Tahanan ng Panginoon (TNP). 52.7% preference din, na pinakamataas sa survey na ginawa ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), ang nakuha ni Robredo.
“Sobrang mapalad ako na ‘yung tao may tiwala. Kasi kung walang tiwala ang tao, wala talaga kaming masasandigan with our numbers now. Ganoon talaga ‘yung politika, ‘pag mababa pa ‘yung numbers mo, walang masyadong local officials na tumataya sa iyo. Pero hindi siya maganda kasi ‘di ba dapat ‘yung pagtataya sana paniniwala, ‘di ba? Hindi ‘yung expectation na kung sino ‘yung uupo. Pero ako, very, very confident ako na ‘pag ma-sustain itong klaseng volunteerism ay malaki ‘yung pagkakataon,” ayon kay Robredo.
Nangako si Robredo na patuloy lang na pagsisipagan ang pakikipag-usap sa mga mamamayan: “Pag ‘yung tao nararamdaman niya na may laban, pinipili na niya talaga ‘yung kung sino sa palagay niya makakabuti sa kaniya. So, ‘yung importante lang naman sa amin, maka-ikot. Sobrang sipag naman namin. Maka-ikot to as many places as possible para personal kang napapakinggan ng tao.”
Ngayong ika-36 na anibersaryo ng People Power Revolution, araw ng Biyernes, Pebrero 25, nasa Iloilo naman ang Bise Presidente, na sasamahan sa Grand Rally ng mga artistang buo ang tiwala sa iniaalok na klase ng pamumuno ni Robredo na: “Gobyernong tapat, angat buhay lahat.”