Vice President Leni Robredo, tutol sa planong isailalim sa Martial Law ang Negros Oriental

Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa mungkahing isailalim ang Negros Oriental sa ilalim ng Martial Law.

Ito ay sa gitna na rin ng mga insidente ng patayan sa lalawigan.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, kinuwestyon ni Robredo kung batas militar ba ang solusyon sa mga serye ng patayan sa lugar.


Inihalimbawa ni Robredo ang umiiral na Martial Law sa Mindanao subalit hindi naman nito napipigilan ang insidente ng patayan at karahasan sa rehiyon.

Umaasa ang Bise Presidente na matutukoy agad ng mga awtoridad ang mga responsable at mapanagot sa kanilang ginawa.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa niyang ilagay sa Martial Law ang Negros Oriental kapag inirekomenda ito ng militar at lokal na pamahalaan.

Facebook Comments