Vice President Sara Duterte-Carpio, nanawagan kay dating Akbayan Party-list Representative at Vice Presidential Candidate Walden Bello na huwag siya sisihin sa pagkakaaresto sa kasong cyberlibel

Matapang na sinagot ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio ang mga paratang sa kaniya ni dating Akbayan Party-list Representative at Vice Presidential Candidate Walden Bello.

Iginiit kasi ni Bello na ang kampo ng pangalawang pangulo ang nagtulak ng cyberlibel case na nagresulta ng kaniyang pagkakaaresto.

Sa inilabas na pahayag ni VP Duterte, nanawagan ito kay Bello na itigil ang paninisi sa kaniyang sinapit.


Binigyang-diin ni Duterte na mas pinili niyang manahimik noon kahit panay ang banat sa kaniya ni Bello dahil isinapuso niya ang payo ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag makinig at ibalewala ang mga paninira sa kanilang pamilya.

Dagdag pa ng pangalawang pangulo, sa halip na maghanap na masisisi ay dapat unawain ni Bello na hindi nirerespeto ng lipunan ang mga mapangmataas.

Ipinaalala rin ni Duterte na hindi pinoprotektahan ng freedom of speech ang paninira sa reputasyon ng iba.

Payo ni Duterte kay Bello na tumutok na lamang ito sa pagsalba kung may natitira pa itong dignidad at respeto sa sarili.

Aniya, marapat lamang harapin ni Bello ang paratang sa kaniya sa husgado dahil ito ang tamang lugar para patunayan niya ang kaniyang paratang sa dating Davao City Information Officer na si Jeffrey Tupaz.

Facebook Comments