Vico Sotto handang makatrabaho ang mga nakalaban nitong halalan

Image via Facebook/Vico Sotto

Bukas ang pintuan ni incoming mayor Vico Sotto na makatrabaho ang mga supporters at ka-alyado ni incumbent mayor Bobby Eusebio matapos magprotesta habang prinoproklama siya noong Martes.

Nagsuot ng itim na damit ang ibang empleyado ng city hall bilang suporta sa nakatunggaling alkalde. Tinapos ni Sotto ang 27 taon na pamumuno ng mga Eusebio sa lungsod ng Pasig.

Sa kanyang radio interview, binanggit ni Sotto na natatakot ang ibang nagtratrabaho sa city hall na matanggal kapag naupo na siya sa susunod na buwan.


“Ang tingin ko ho maraming kinakabahan, kasi yung kultura nga sa 27 taon na takot sila dun sa nakaupo, kaya yung iba kinakabahan na baka mamaya ganun din yung bago at tatanggalin lahat ng mga dating empleyado,” pahayag ni Sotto.

Sinigurado niya na hindi mangyayari ang kinatatakutan nila.

“Pero ako po, di po ako ganun. Di po ako benggador, di po ako nagtatanim ng galit. Basta nagtatrabaho nang maayos, walang dapat ikatakot.” mensahe ni Vico.

Kahapon, naglabas ng saloobin ang tiyuhin ni Vico na si Senate President Tito Sotto tungkol sa mga empleyadong binoycott ang proklamasyon ng pamangkin. Sa kanyang press conference, pinayuhan niya ang mga ito kung anong nararapat gawin sakali ayaw pa din makatrabaho ang incoming mayor.

“Ewan ko bakit nagkakaganoon sila. E ‘di magresign na lang sila, sabay-sabay na silang mag-resign ng June 30 kaysa sa proprotestahan nila iyung boto ng mga kababayan nila sa Pasig,” ani Tito Sotto.

Facebook Comments