Victim-blaming sa nasawing flight attendant, itigil na ayon sa ilang kongresista

Nakiusap si ACT-CIS Partylist Representative Niña Taduran sa netizens na itigil na ang paninisi sa nasawing flight attendant na si Christine Angelica Dacera matapos magdiwang ng Bagong Taon kasama ang mga kaibigan.

Giit ni Taduran, ihinto na ng netizens ang victim-blaming sa biktima lalo’t nahihirapan ang pamilya Dacera sa pagkawala ng kanilang kapamilya.

Mas lalo aniyang hindi madali sa pamilya na nawalan ng mahal sa buhay at makakarinig pa ng paninisi mula sa ibang tao na kagagawan ng biktima ang nangyari sa kanya.


Hiniling ni Taduran na sa halip na sisihin ang biktima ay dapat na magdasal ang lahat na hindi na maulit ang kahalintulad na pangyayari.

Samantala, kinokondena naman ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang karahasang ginawa sa flight attendant at nanawagan ng agarang pagbibigay ng hustisya sa pamilya.

Kinalampag din ni Brosas ang PNP na hindi pa tapos ang kaso at dapat na magsagawa ang pambansang pulisya ng malalimang imbestigasyon sa kaso ni Dacera at papanagutin sa lalong madaling panahon ang mga suspek na nagtatago hanggang ngayon.

Facebook Comments