Magbabawas ang Victory Bus Liner, isa sa pinakamalaking bus company na nag-ooperate sa Northern Luzon at Metro Manila ng mahigit isang libong mga driver at konduktor.
Ayon kay Aleks Briones, Operations Manager ng Victory Liner, apat na raan na ngayon ang opisyal nang natanggal sa trabaho nitong nakalipas na buwan.
Kabilang aniya sa nawalan ng trabaho ang 300 na mga driver at kundoktor habang isang daan namang mga retirees ang tuluyan nang binigyan ng forced retirement.
Sinabi pa ni Briones na nasa anim na raang mahigit pa ang nakatakdang matanggal sa trabaho sa second wave sa susunod na buwan.
Kabilang dito ang iba pang tsuper, konduktor at mga nakatalaga sa bawat administration department.
Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga janitors at mga security guards
Ani Briones, hindi na kakayaning tustusan ng bus company ang mga bayarin sa supplier at mga existing loans dahil wala namang pumapasok na revenue sanhi ng COVID-19 lalo pa’t walang bumibiyaheng mga bus sa kanilang mga ruta.
Ang Victory Liner ay mayroong mahigit tatlong libong mga empleyado mula sa higit 20 terminal nito sa Cordillera Administrative Region (CAR), Regions 1, 2 at 3 at 75 taon na sa industriya ng bus transport.