Nagsagawa ng pagdinig ngayong araw ang House Committee on Public Order and Safety katuwang ang Committee on Games and Amusement ukol sa mga krimen na kinakasangkutan ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO).
Sa pagdinig ay nag-presenta ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng mga video at larawan na napapakita kung gaano karumal-dumal ang mga krimen at iba pang iligal na aktibidad na nag-uugat sa POGO.
Halimbawa nito ang pag-torture sa mga empleyado ng POGO na pinaghihinalaan na nagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad patungkol sa kanilang iligal na operasyon habang iba ay nahuli sa tangkang pangtakas.
Hindi kinaya ng ibang kongresista ang ipinakikita sa video kaya ito ay inawat nila pero nanindigan naman ang ibang mga kongresista na dapat itong maipakita sa publiko upang kanilang mabatid kung gaano kasama ang dulot na problema sa ating lipunan ng POGO.
Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, kinikilala ng mga law enforcement agencies ang ambag ng POGO sa ating ekonomiya.
Pero giit ni Cruz, hindi naman maaaring magbulag-bulagan sa mga krimen at kriminal na aktibidad na kinakasangkutan ng POGO at ang banta nito sa kapayapaan at kaayusan ng ating lipunan.