Isinumite na sa Office of the Ombudsman ang isang video na kuha nang nagpapaagaw ng perang nagkakahalaga ng umano ng 2-3 milyong piso si DPWH Regional Director Ronnel Tan sa isang party na diumano’y ginanap sa bahay nito.
Una rito, naghain si Quezon Province Councilor Arkie Yulde ng kasong Graft and Corruption sa Ombudsman laban sa nasabing opisyal, at humihirit ito na magkaroon ng malalimang lifestyle check kay Dir. Tan at sa kaniyang pamilya, kabilang na ang kaniyang maybahay na si Quezon Province District 4 Congresswoman Helen Tan.
Sinampahan ni Yulde si Tan ng patung-patong na reklamo noong Oktubre ng taong 2020, kabilang na ang grave misconduct, at paglabag sa RA 6713 o Code of Conduct & Ethical Standards of Public Officials and Employees, RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 7160 o ang Local Government Code.
Paulit-ulit naman na sinagot ng kampo ni Tan na walang katotohanan ang bintang at ito ay puro pulitika lamang, at hindi sila kailanman namudmod ng pera sa kahit anong pagtitipon na kanilang dinaluhan.
Sa nasabing video, lumabalas na si Dir. Tan ay nagsaboy sa ere ng hawak nitong bungkos-bungkos na pera, habang ang kaniyang mga bisita ay nagkukumahog na saluhin ang mga ito.
Nanawagan din si Yulde sa Presidential Anti-Corruption Commission na imbestigahan ang pamilya Tan, lalo na at isa si Cong. Helen Tan sa mga pinangalanan ni Pangulong Duterte na may mga kaso ng pangungurakot base na rin sa report na isinumite ng PACC.
Matatandaan na nadawit din si Cong. Helen Tan na siyang chairperson ng Committee on Health sa Kamara sa isyu ng PhilHealth scam dahil sa pagbubulsa nila diumano ng pondo gamit ang interim reimbursement mechanism o IRM.
Nito lamang buwan ng Marso, nadawit na naman si Cong. Helen Tan na binansagang “bakuna queen” ng mga netizens sa isang eskandalo matapos kumalat sa social media ang kaniyang pagpapaturok ng COVID-19 vaccine, kahit na hindi siya frontliner at hindi kasama sa priority list ng IATF, at may direktiba na ang Kamara na hindi maaaring mauna ang mga Kongresistang mabakunahan sa mga maliliit na empleyado ng Kongreso.