Nabahala si three-term Senator at ngayon ay Antique Congresswoman Loren Legarda kaugnay sa lumabas na maiksing video mula sa BBC News.
Nakapaloob kasi sa video ang talamak na pagkalat ng face mask na nagpapadumi sa karagatan sa bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Legarda na batay sa World Economic Forum at pag-aaral ng United Kingdom, kung ang bawat tao ay gumagamit ng isang face mask kada araw, posibleng sa loob ng isang taon ay lilikha ito ng karagdagang 66,000 tonelada ng kontaminadong basura at 57,000 tonelada ng plastic packaging.
Wala pa ito sa dami ng taong gumagamit ng face mask kaya nakakabahala na mas marami pang basura ang makukuha sa karagatan kaysa sa isda.
Kung pag-uusapan naman kung gaano katagal bago matunaw ang face mask, sinabi ni Legarda na batay sa mga eksperto aabot sa 450 years ang kailangang gugulin para tuluyang ma-decompose ito.
Sa ngayon, nakikipag-usap na siya sa Climate Change Commission, kung saan may binuo nang programang tinatawag na ‘Plastic are choking the life from our ocean’ na pinamumunuan ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez.