Video ng OFWs sa Saudi Arabia na nagkakalkal ng basura para maghanap ng makakain, drama lang

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), “staged” o drama lamang ang viral video ng Overseas Filipino Workers na nagkakalkal ng basura para maghanap ng makakain sa Saudi Arabia.

Sinabi ito ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Sarah Lou Arriola sa pagdinig ng Senate Committee on Labor and Employment na pinamumunuan ni Senator Joel Villanueva.

Diin ni Arriola, lumabas sa isinagawa niyang independent investigation na lima hanggang anim na beses nang nabigyan ng tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Oveseas Labor Office ang mga OFW na nakita sa video.


Ayon kay Arriola, ito ang dahilan kaya sinabi ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto sa Twitter na theatrics o nagdadrama lang ang mga OFW para makakuha ng atensyon.

Binanggit din ni Arriola, ang impormasyon na inaresto na ang isa sa mga OFW sa video kaya kanilang pinapayuhan ang mga nasa Saudi Arabia na mag-ingat sa mga ipinopost sa social media na maaaring makasira sa kumpanyang pinapasukan nila bukod dito, istrikto din sa cyber libel ang naturang bansa.

Iginiit ni Arriola na malinaw na may krisis na nagdudulot ng problema sa mga OFW kaya patuloy ang kanilang paghahatid ng tulong.

Pero paliwanag ni Arriola, nahihirapan ang Philippine Embassy na maghatid ng tulong sa mga pinoy sa Saudi Arabia dahil napakalaking bansa nito.

Facebook Comments