Pasig City – Viral ngayon sa social media ang pambu-bully at pananakit ng mga batang babaeng naka-uniporme sa kapwa babae sa Barangay Pineda, Pasig.
Sa video, makikita ang nasa walong batang babaeng naka-uniporme, na nasa edad 12 hanggang 15 na pinalilibutan ang kapwa nila babae.
Maya-maya pa, salitan pinagsasampal at sinabunutan nila ito hanggang sa mapahiga sa semento ang biktima.
Ayon sa biktima, pinag-initan siya ng grupo matapos pagbintangang nag-angas sa group chat nilang magbabarkada.
Giit naman ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Anne Sevilla, iniimbestigahan na nila ang insidente at mahigpit nilang pinatutupad ang mga polisiya laban sa bullying.
Nasa Bahay Aruga na sa Pasig ang walong babaeng nam-bully habang desidido ang pamilya ng biktima na ituloy ang kasong physical injuries at assault sa mga nanakit sa kaniya.