Viral ngayon sa social media ang pagsira sa isang videoke machine ng ilang opisyal ng Barangay Mambugan sa Antipolo City dahil sa paglabag umano ng may-ari nito sa ordinansang ipinapatupad nila.
Ayon sa mga kawani ng barangay, hindi sumunod ang may-ari sa polisiyang hanggang alas-10 ng gabi lamang maaring gumamit ng videoke machine.
Giit pa nila, makailang beses nilang pinuntahan at sinita ang mga bumibirit pa sa dis-oras ng gabi pero hindi umano sila iniintindi. Kaya naman nag-desisyon silang kumpiskahin ito.
Nang tanungin ang mga opisyales kung bakit winasak ang naturang bagay: “Wala po kaming balak itambak yan sa barangay namin dahil baka mapagsabihan pa na pinag-iinteresan, salamat po.”
Hati naman ang reaksyon ng netizens kaugnay sa ginawa ng mga taga-Barangay Mambugan.
Sa kabila ng pambabatikos, nanindigan ang mga kawani sa ginawang desisyon at bago pa man umano sila magbigay ng permit, ipinaliwanag nila sa may-ari kung anong maaring mangyari kapag hindi sumunod sa patakaran.