VIKINGS RIDE SA SAN JACINTO, BUMAGSAK; 12 KATAO NA SAKAY NITO, SUGATAN

Masaya pang nakasakay sa viking’s ride ang ilang katao na kinabibilangan ng grupo ng menor de edad, sa amusement park sa San Jacinto, Pangasinan nang bigla itong bumagsak sa kalagitnaan ng operasyon, gabi ng Disyembre 24, 2025.

May tatlumpung sakay ang carnival ride nang bumagsak ito, kung saan 12 ang dinala sa ospital para sa agarang gamutan habang ang iba ay nagsitakbuhan agad matapos ang insidente.

Kabilang sa mga nasaktan ang pitong lalaking menor de edad na may edad siyam hanggang labing dalawa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng San Jacinto Police Station, natukoy na nasira ang welding ng naturang ride na nagdulot ng pagkaputol nito sa gitna at pagbagsak nito.

Pansamantalang itinigil ang operasyon ng amusement park habang nagsasagawa ng inspeksyon ang kapulisan sa lahat ng itinayong rides.

Lahat ng nasaktan ay nasa maayos nang kalagayan matapos silang gamutin bilang outpatients sa Manaoag Community Hospital.

Napagkasunduan na sasagutin ng amusement park operator ang pagpapagamot sa lahat ng nasaktan.

Sa kasalukuyan, wala pa ring naghahain ng pormal na reklamo hinggil sa insidente.

Facebook Comments