Villanueva, nag-anunsyo ng kaniyang Senate re-election bid

Muling tatakbo sa pagkasenador sa 2022 elections si Senator Joel Villanueva na nakilala bilang TESDAman.

Inihayag ito ni Villanueva sa kaniyang talumpati sa paglunsad ng Tulong Trabaho Scholarship Program na inorganisa ng National Capital Region (NCR) office ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Layunin ng muling pagtakbo ni Villanueva na ipagpapatuloy ang misyon niya sa Senado para sa Trabaho, Edukasyon, Serbisyo, Dignidad at Asenso ng bawat Pilipino.


Nakapaloob naman sa programang inilunsad ni Villanueva sa TESDA ang pagtulong sa mga displaced workers, returning Overseas Filipino Workers (OFWs), out of school youth at employed individuals.

Itinatakda ng programa na binuo sa ilalim ng Republic Act No. 11230 na palakasin pa ang kwalipikasyon ng mga manggagawang Pilipino upang tugunan ang mabilis na pagbabago sa job market.

Solusyon din ito sa job-skills mismatch sa pamamagitan ng pagtutugma ng pangangailangan ng industriya sa kasalukuyang available skills ng mga manggagawa.

Nakatanggap ng P1 bilyon sa ilalim ng 2021 national budget ang Tulong Trabaho Scholarship Program na inaasahang makakatulong sa higit 40,000 na katao.

Bahagi ito ng National Employment Recovery Strategy na inilunsad ng gobyerno noong Mayo upang ibalik ang mga nawalang trabaho sa job market.

Facebook Comments