TACLOBAN CITY – HINIKAYAT ni re-electionist Senator Cynthia Villar ang publiko na magkaroon ng sariling emergency plans para sa kalamidad.
Kasunod ng 6.1 magnitude na lindol sa Zambales at 6.5 magnitude lindol sa Eastern Samar, sinabi ni Villar na kailangang magkaroon ang bawat tahanan ng kanilang emergency procedure na alam ng bawat miyembro ng pamilya. Ito ay ipatutupad sa panahon ng “natural at man-made emergencies.”
“Our family emergency plan should supplement our government’s disaster- preparedness program. We cannot depend on the rescuers to immediately come to our aid when disaster strikes. We should be ready to help ourselves and our family members to be safe,” ayon kay Villar.
Ipinahayag ni Villar na nagbabadya ng mas malaking kalamidad ang dalawang lindol sa bansa na nangyari sa magkasunod na araw.
Tinataya ng mga eksperto na ang tinatawag na “The Big One” ang pangunahing lindol na magdudulot ng maraming casualties at malawak na pinsala sa National Capital Region.
Idinagdag pa ng Nacionalista Party senator na dapat na sumunod ang publiko sa tagubilin ng mga awtoridad na magkaroon ng emergency plan, kabilang ang emergency kit, evacuation plan at pagtatalaga ng meeting place kung saan magkikita-kita ang mga kasapi ng pamilya kapag may emergency.
Sinabi ng Philippine Red Cross na dapat na tumagal ng di bababa sa 72 oras ang “emergency bag.” Dapat din na sapat ito sa pangangailangan ng pamilya.
Kabilang sa kit ang pagkain at tubig, talaan ng emergency contact numbers, whistles, mga posporo, multi-purpose knife, mga lubid, flashlight at emergency lamps, damit at hygiene kit, first-aid kit at mga gamot, portable radio, kumot at banig, mahahalagang dokumento at pera.
“Empowering the families so that they may be able to prepare and respond to emergencies will help lessen destruction, injuries and the loss of lives. As we always say, nobody can predict when and where the next big disaster would come so we have to involve everybody in preparing for it,” dagdag pa ni Villar. #PR