Pinakikilos ni Senator Sherwin Gatchalian ang Violence Against Women and Children Desk (VAWCD) ng Philippine National Police (PNP) patungkol sa mga kaso ng mga teenager moms na ang karelasyon o ang nakabuntis sa kanila ay sampung taon ang tanda o higit pa.
Nababahala si Gatchalian na posible ang statutory rape cases sa kaso ng mga batang ina o mga teen moms.
Tinukoy ng senador ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan 10 percent ng mga batang ina ay may partner na ang agwat ng edad sa teenager ay sampung taon pataas.
Binanggit ni Gatchalian na posibleng may nilalabag na batas dito ang mga nakatatanda na ang karelasyon ay teenager partikular ang Republic Act 11648 na nagbibigay depinisyon sa statutory rape at sa pagtataas ng edad sa “sexual consent” mula sa 12 anyos sa 16 na taong gulang.
Dahil dito, hiniling ni Gatchalian na paigtingin ng PNP-VAWC desk ang pagtugis sa mga ganitong kaso lalo’t posibleng may pang-aabuso at makasuhan ang matandang partner.
Suportado rin ng senador ang mga naunang suhestyon ni Senator Raffy Tulfo partikular na ang pagkaroon ng liquor license sa pagbebenta ng alak.