Muling nanawagan ang Commission on Population and Development (PopCom) na protektahan ang karapatan ng mga kababaihan matapos lumabas ang nakakabahalang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa survey, isa sa bawat apat na Pilipino o 25% ng Filipino adults sa bansa ang naniniwalang ang karahasan laban sa mga kababaihan ay isa sa mga matinding problema ngayong pandemya.
Nasa 11% ng mga respondents ang nagsabing physical violence ang mas ikinababahala ng mga kababaihan, kasunod ang sexual violence at emotional violence na may tig-pitong porsyento.
Mataas ang naitalang trend sa Metro Manila na nasa 29%, kasunod ang Balance Luzon (28%), Mindanao (24%) at Visayas (22%).
Napansin din ng PopCom ang pagtaas sa insidente ng gender-based violence (GBV) sa bansa.
Batay sa ikalimang annual report ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Law noong 2020, nasa 19,743 ang naitalang kaso ng Violence against Women.
Iginiit ni PopCom Executive Director Juan Antonio Perez III, ang mga kababaihan ay vital assets ng bansa at nararapat lamang na maprotektahan ang kanilang karapatan.