Lalong makahihikayat ng mas maraming paglabag sa batas kung hahayaan at hindi mapapanagot ang mga sangkot sa “VIP vaccination” sa Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa harap ng isinusulong nitong imbestigasyon sa iligal na pagpapabakuna ng ilang taga-gobyerno gamit ang hindi rehistradong COVID-19 vaccine.
Matapos ang pag-amin ni Special Envoy to China Ramon Tulfo na naturukan na siya ng Sinopharm vaccine noong Oktubre, lumalabas lang aniya na hindi lang mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) ang sumailalim sa iligal na pagbabakuna.
Giit ni Zarate, hindi ito makakadagdag sa kumpiyansa ng mga mamamayan sa halip ay mas makapanghihikayat ng vaccine smuggling at fraudulent vaccination activities.
“Kahit ‘yong nabigyan na ng Emergency Use Authority ay wala pa rin ‘yong mga bakunang ‘yan tapos on the other hand, hinahayaan pala natin na magkaroon ng mga smuggled vaccines. Lalabas talaga na VIP treatment lalo’t higit kung hindi sila maging accountable,” ani Zarate sa panayam ng RMN Manila.
“Ang ganitong mga usapin na kapag pinababayaan lang dahil gusto nating mag-move on ay mag-e-encourage lang ng iba pang paglabag sa batas nung mga nasa kapangyarihan,” dagdag niya.
Babala ng mambabatas, kung hindi makukuha ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa pagpapabakuna ay mawawalan ng silbi ang pagsusumikap na mabuksan ang ekonomiya.
“Kung hindi magkakaroon ng kumpiyansa ang mga mamamayan dahil hindi natin nalalaman ang katotohanan dito, saan pa pupunta? Paano fully makakabangon an gating ekonomiya?” saad niya.
Nilinaw naman ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Atty. Aileen Lizada na wala silang hurisdiksyon para imbestigahan ang mga appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa VIP vaccination.
Pero umaasa siya na magbubunga ng maganda ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng Food and Drug Administration (FDA).
“Nasa poder po ng FDA yung investigation on this. As regards admin concern, admin adjudication and disciplinary action, yung appointing authority kasi has the power to fire, hire. So, in this case po, since ang may appointing authority ay ang presidente ang pwedeng magdisiplina sa kanila is the presidente. So, CSC will not have jurisdiction sa mga presidential appointees,”
“That’s why, it’s a good move that FDA is on it, that they will conduct an investigation. Because otherwise, if we do not investigate, ang labas lang ho ng mga batas natin ay optional,” giit ni Lizada.