Nababahala ang ilang mga kongresista ng Makabayan na hindi mapipigilan ang “VIP vaccination.”
Kasunod ito pagsingit sa pagpapabakuna ng ilang mga alkalde, pulis at maging artista sa COVID-19 vaccine rollout na dapat sana’y prayoridad muna ang mga healthcare workers sa mga pagamutan.
Ayon kay ACT-Teachers Partylist Representative France Castro, hangga’t walang agad na napapanagot sa pagsingit sa pagpapabakuna ng ilan ay tiyak na hindi matitigil ang “VIP vaccination.”
Kung tutuusin aniya ay ipinanawagan na ng Makabayan Bloc noong una ang pagsilip ng Kamara sa pagpapabakuna noon ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at ilang gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate na kahit malinaw na may prayoridad sa COVID-19 vaccination ay pumapasok pa rin ang “bata-bata” system at “sagot ko yan o arbor” para makasingit sa pagpapabakuna.
Giit ni Zarate, bakit pa gumagawa ng rules o panuntunan ang pamahalaan kung sila-sila rin naman pala ang lumalabag.