VIRAL: Bata, ninakawan umano ng paninda ng ilang traffic enforcer

Image and post from Facebook user Januarie Sinnung Calzado.

Viral ngayon ang retrato ng isang batang umiiyak na umano’y ninakawan ng paninda ng ilang traffic enforcer.

Batay sa Facebook post ni Januarie Sinnung Calzado, isinumbong ng musmos ang biglang pangunguha ng mga enforcer sa prutas na inilalako niya.

Nangyari raw ang insidente sa kahabaan ng P. Tuazon, sa Cubao, Quezon City nitong Lunes.


“May mga traffic enforcers along p tuazon cubao daw na bigla nlang kumuha ng mga 4 na supot na paninda nya na hindi man lang nagpaalam o nag bayad,” bahagi ng post ni Calzado.

Kuwento pa ng uploader, araw-araw nagtitinda ang paslit para may maiuwing pagkain sa pamilya.

“Nakakalungkot lang po isipin na gawin ito sa musmos na walang kalaban laban at ang hinangad lamang ay magtrabaho para lang mabuhay,” saad pa niya.

Umaasa din ang concerned citizen na magsisilbing babala ito laban sa mga mapagsamantalang indibidwal.

Hustisya naman ang sigaw ng mahigit 200,000 netizens sa sinapit ng kaawa-awang bata.

Nagsasagawa na ngayon ng imbestigasyon ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Quezon City kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments