Dahil sa kagustuhang makauwi sa kani-kanilang pamilya, sinubukan ng walong construction worker na maglakad mula Quezon City hanggang Manaoag, Pangasinan sa gitna ng pinalawig na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa litratong ibinahagi ni Princess Conception, makikita ang mga manggagawa sa national highway na aniya inumaga na sa paglalakad.
Mabilis naman nag-viral sa social media ang kalunos-lunos na sitwasyon ng grupo.
“Walang masakyan at wala din gusto magpasakay. Ingat kayo Tito Ogie inom ng maraming tubig, malayo layo pa po lalakarin niyo. Dami na apektuhan sa COVID-19,” sabi ng netizen sa Facebook post.
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Jerry Estacio, isa sa mga trabahante, sinabihan daw sila noong Lunes ng huwag nang pumasok bunsod ng idineklarang community quarantine ng gobyerno.
Nagdesisyon na raw ang grupo na maglakad pauwi matapos maabutan ng curfew at lockdown sa kalsada.
Mula sa Katipunan, Quezon City, nakatuntong ang mga manggagawa sa Valenzuela City pasado alas-8 ng gabi.
Pagdating doon, nagpahinga muna sila sandali at muling naglakad patungong Meycauayan, Bulacan.
Labis raw ang pasasalamat ng grupo nang pasakayin sila ng ilang pulis at inihatid mula Bulacan hanggang Sta Rosa, Nueva Ecija.
“Doon daan nila. Tapos mula sa Sta. Rosa, nilakad ulit namin papunta ng Gerona. Doon na kami sinundo ni kapitan. Talagang wala kaming masakyan,” ani Estacio.
Tiniis raw ng mga trabahante ang gutom, pagod, at sakit ng katawan makauwi lamang sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nang makarating sa Pangasinan, sinuri ng mga tauhan ng Municipal Health Office ang kalusugan ng mga construction worker at isinailalim sila sa 14-day home quarantine.
Nangako naman ang kompanyang pinapasukan ni Mang Jerry na makakabalik sila sa serbisyo kapag tuluyang natapos ang enhanced community quarantine.