VIRAL: Empleyado ng LTO-Dipolog City, nagpaparebond habang naka-duty

Screenshot mula sa kuha ni Arian Bodiongan

Suspendido ang isang kawani ng Land Transportation Office (LTO) sa Dipolog City matapos ma-videohan na nagpaparebond ng buhok sa oras mismo ng trabaho.

Naging viral ang nasabing kuha ni Arian Bodiongan noong Huwebes sa Facebook, kung saan pinutakte ito ng pambabatikos mula sa maraming netizen.

Kuwento ng uploader, maaga siyang pumila sa tanggapan ng LTO-Dipolog para magbayad ng multa dahil sa paglabag sa motorcycle barrier policy. Subalit imbis na asikasuhin siya agad ay may iba raw pinagkaabalahan ang empleyado habang nakaduty.


Sa video, nagmistulang salon ang opisina dahil nagpa-plantsa pa ito ng buhok, na bahagi ng proseso ng rebonding.

Dahil dito ay higit dalawang oras umanong naghintay si Bodiongan bago tuluyang maasikaso.

Ayon kay LTO Region 9 Director Atty. Aminola Abaton, pinatawan ng ahensya ng limang araw na suspension ang kawani na sumasailalim ngayon sa imbestigasyon.

Iginiit naman ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada na paglabag sa civil service rules ang ginawa ng nahuli-cam na tauhan ng LTO-Dipolog.

Bukod dito, may posiblidad na lumabag din ito sa IATF protocols bunsod ng hindi pagsusuot ng face mask.

Nanawagan naman si Lizada sa mga government employees na gawin ng maayos at tama ang kanilang trabaho ngayong panahon ng pandemya.

Facebook Comments