CEBU CITY – Pinagmulta at posibleng makansela ang lisensya ng isang lalaki matapos gumamit ng “wangwang” para makarating agad sa unibersidad na pinapasukan.
Batay sa ulat, pumunta sa opisina ng Land Transportation Office (LTO) sa Central Visayas ang estudyanteng si Judiel Niño Cane, Lunes ng hapon, para boluntayong isuko ang wangwang.
Ayon kay Cane, naglagay siya ng “wangwang” sa kaniyang sasakyan upang hindi ma-late sa klase.
““Nadala ra ko sa akong pagkacurious… Lesson learned na kaayo to nga dili maayo ang akong gibuhat (I was curious… I learned my lesson. What I did was wrong),”pahayag ng mag-aaral sa wikang Cebuano.
Kamakailan, naging viral sa social media ang iligal na gawain ng binatilyo dahilan para makarating ito sa kinauukulan.
Kita din sa video na hindi siya nagsuot ng seat belt habang nagmamaneho, na kinokonsiderang paglabag sa RA 8750 o Seat Belt Law.
Nahaharap siya ngayon sa mga reklamong reckless driving at paglabag sa Presidential Decree (PD) 96 o hindi otorisadong paggamit ng sirena.
Aabot sa P8,000 ang multang babayaran ni Cane at kailangan niya din makakuha muna ng clearance bago muling makapagmaneho.